
Hindi ko malimutan ang araw na pinagtabuyan si Laura ng aking tiyahin. Kapapanganak lamang niya noon. Bagaman hindi ko magawang sisihin ang aking tiya sa kalupitan niya kay Laura; dahil bukod sa hindi namin ito kadugo ay hindi pa namin siya kauri.
Maagang naulila si Laura, kung kaya't maliit pa lamang ito'y nasa poangangalaga na siya ng aking tiya Fe. Ngunit kalauna'y naging pabigat at palamunin na lamang ang tingin ng aking tiya kay Laura.
Isang gabi, isang trahedya ang bumago ng lubos sa buhay ng dalaga. Walang awa siyang pinagsamantalahan at nilapastangan ng isang hanggang ngayo'y di pa nakikilalang lalaki. At masaklap pa nito'y iniwanan siya nito ng isang supling.
Labis man ang hinanakit sa kalooban ni Laura'y pinili pa rin niyang buhayin ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Hanggang sa dumating na nga ang araw na iyon ng kanyang panganganak.
Ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang may marinig akong malakas na kalabugan mula sa labas ng aking silid. Malinaw pa sa aking alaala ang mga sandaling iyon. Walang awa siyang pinagtulakan ni tiya Fe palabas ng aming pintuan. At wala akong ibang nagawa kundi panoorin na lamang ang bawat eksena.
Sinubukan ni Laurang magmakaawa sa kapirasong espasyo para sa kanilang mag-ina. Nakiusap siyang huwag na silang paalisin. Ngunit sadyang malupit at walang awa si tiya Fe.
At sa bandang huli..tangan ang anak, wala ng pagtutol na tumalikod na lamang at naglakad palayo ang kaawa-awang si Laura, ang aming alagang pusa.
No comments:
Post a Comment